Ano Na’ng Mangyayari Bukas
Taon ang binilang para sa gabing
maisayaw ka sa saliw ng musika
sa bulwagan ng katapatan.
Ngunit akong romantikong nangarap mahagkan ka,
nag-alangan sa bulung-bulungang ika’y lilisan.
Di naman tayo naging malapit dati.
Mga di kumukumpas na nakaw na sulyap,
nangungusap na titig
at makahulugang ngiti lamang
ang nagdurugtong sa atin
dahil baka mapansin ng naka-akbay sa iyo
o ng nakayakap sa akin.
Subalit sa gabing ito,
sabay nating idinuyan ang isa’t isa
sa awiting dapat nating isinayaw noon pa.
Nang tingnan mo ako at ipinagtapat ang pag-alis bukas,
isang luha ang dumaloy mula sa iyong mata,
dahan-dahang bumaba at gumilid sa pisngi.
At sa tamang oras ng pagtigil sa labi mo,
agad kong isinalo ang patak ng luha
at nilasap natin ang tamis at pait na matagal nang ikinubli.
Iyon ang hudyat na tayo’y magpadala
sa musika ng pananabik
at hanapin ang ating mga sarili.
Saksi ang buwan na kanina pang sumisilip sa bintana.
Ang buwan sa gitna ng katahimikan na kailanma’y
di maghahayag tungkol sa mga katawang nakalapat sa isa’t isa,
di magsasalita tungkol sa pawis na nagpadulas sa
batok at dibdib,
bisig at binti,
singit at puwit,
di magsusumbong tungkol sa mga halinghing, bulong at ungol
na nagpabilis sa kundiman ng gabi.
Ngayon, habang ika’y nahihimbing
mula sa pag-indak sa himig ng damdamin,
nakatanaw lamang ako sa kalawakan.
Tahimik na at wala nang tinig na naririnig.
Hinihintay kong punitin ng sinag ang itim na kumot na nakabalot sa kalangitan –
ang sinag na titimo sa kailaliman ng aking dibdib,
aking pagkatao, aking uniberso.
At mararamdaman ang hapdi ng liwanag
na sinhapdi ng kasagutan ng katanungan natin sa gabing ito –
Ano na’ng mangyayari bukas?