Hinaing ng Inaping Matsing
Thursday, May 3rd, 2007Napakasikat ng kuwentong Pagong at Matsing at malamang paulit-ulit na ninyo itong naririnig. Siguradong ako ang lumalabas na masama. Lagi naman, e. Lagi na lamang ako ang mandaraya, mapang-api at makasarili. Madalas pa’y mahina ang isip. Masama talaga ang loob ko dahil hindi naman talaga ako ganoon.
Nakikiusap po ako sa inyong lahat na huwag agad akong husgahan. May nawawala at naidadagdag sa mga naipapasang kuwento. Hindi nagtatapos ang kuwentong iyon sa pag-aaway namin ni Pagong. Nagkaayos din kami. Sa katunayan nga, nanatili pa rin kaming magkaibigan – hanggang ngayon. Sana’y pakinggan ninyo itong ikukuwento ko:
Sa kalagitnaan ng kagubatan kami nagkita ni Pagong. (Kung paano siya napunta roon ay hindi ko na itinanong.) Naghahanap siya ng mapagpapahingahan at ganoon din ako. Hindi maipaliwanag ngunit sa unang pagkikita pa lamang, magaan na ang loob namin sa isa’t isa. “Ako si Antonio,” pakilala ko. “Tonio na lang ang itawag mo sa akin. Ikinagagalak kitang makilala.”
“Ako rin,” tugon ni Pagong. “Ako si Rashida. Tawagin mo na lamang akong Rashi.” Simula
noon
, magkasama kaming naghahanap ng makakain, maiinom at mapagpapahingahan. Kung minsan bumabagal ang paglakad ni Rashi dahil sa tindi ng gutom. Tuwing nangyayari iyon, ipinapatong ko siya sa aking palad upang makapagpahinga siya.
Kung saan-saan kami nakarating ni Rashi. Dumaan kami sa madamong lugar kung saan hindi ko siya halos makita. Pinilit kong hawiin ang mga damo upang hindi maligaw si Rashi. Napunta rin kami sa lugar na may malalaking bato at wala gaanong halaman. Wala ring gaanong magawa roon. Naranasan din naming dumaan sa mga palayan kung saan nadulas ako’t nahulog sa putikan. Itinuro sa akin ni Rashi ang dahan-dahang paglakad at kung saan dapat aapak.
Sa paglalakbay namin, nakarating kami sa tabi ng isang ilog. Patag ang lupa, hindi mabato, hindi maputik at hindi madamo. “Dito na lang kaya tayo, Rashi,” sabi ko.
Ngunit gusto niyang tumawid kami sa kabila. “Parang mas maganda sa kabila dahil mas maraming puno,” tugon niya. “Mas malilim. At parang may natatanaw akong punong saging doon.”
“Huwag na tayong tumawid,” ipinagtapat kong hindi ako marunong lumangoy. “Baka malunod ako, Rashi,” nanginginig na ang aking mga tuhod habang kumakabog ang aking dibdib.
“Hindi,” tugon ni Rashi. “Magtiwala ka sa akin, Tonio. Kumapit ka lang sa likuran ko at dahan-dahan mong igalaw ang iyong mga paa habang nasa ilog tayo.” Sumunod ako kay Rashi. Alam kong kabisado niya ang tubig. Alam ko ring hindi niya ako pababayaan.
Pagdating namin sa kabila, agad naming pinuntahan ang nakahandusay na punong saging. Mayroon pala itong bunga. Sumiksik sa mga ugat si Rashi at sinabing paghatian namin ang puno. Napuna kong parang gusto niya ang gawing ibaba ng puno dahil nakasiksik na siya roon. Kaya kahit gusto ko rin ang bahaging iyon, hinayaan ko na lamang mapunta sa kanya ito. “Sa iyo na lamang ang gawing ibaba at akin ang gawing itaas ng puno,” sabi ko. Hindi ko pinili ang bahaging itaas dahil lamang sa bunga.
Gustong itanim ni Rashi ang dalawang bahagi ng puno. Alam ko namang hindi mabubuhay ang gawing itaas ng puno dahil wala itong ugat. Itinanim ko na lamang iyon upang mayroon akong masasandalan at mapagsisilungan.
Pinaghatian naming dalawa ang kumpol ng saging. Mas tumibay ang aming pagkakaibigan.
Isang gabi, nagising kami sa di-karaniwang lagaslas ng mga dahon sa paligid at yabag ng paa. Naaninag naming may kumukuha ng saging.
“Magnanakaw!” sigaw namin.
Dali-daling tumakas ang magnanakaw. Sinipa pa si Rashi na gumulong hanggang ilog. Kinuha ko ang sumpit at tinira ang magnanakaw. Siguradong natamaan ko siya subalit matulin siyang nakatakas dala ang ilang pirasong saging. Pinagmasdan ko’t tinandaan ang mga bakas ng paa. Simula
noon
, gumawa kami ng ilang patibong sa paligid namin para doon sa nagtangkang magnakaw at manakit sa amin ni Rashi.
Lumipas ang ilang buwan at tuluyang nalanta ang itinanim kong bahagi ng punong saging. Samantalang yumabong naman ang kay Rashi at nagbunga pa ito. “Hindi bale, Tonio, paghahatian pa rin natin ang pagmamay-ari ng punong ito,” sabi niya.
Isang araw, kumalam at sumakit nang matindi ang tiyan ko kasabay ng madalas na pagdumi ng tubig. Naalala kong nakakatulong ang saging sa ganitong pakiramdam. “Kumain tayo ng saging, Rashi,” anyaya ko. Nahiya akong ipagtapat kay Rashi ang nangyayari sa akin.
“O, sige,” sang-ayon niya. “Ngunit ikaw na lang ang umakyat dahil hindi ko kaya. Maliligo lang ako sa ilog sandali. Tirhan mo ako, ha?”
Napasarap ang kain ko sa tuktok ng punong saging. Hindi ko namalayang tinatawag na pala ako ni Rashi. “Hoy, Tonio, tirhan mo naman ako. Huwag mong ubusin ang saging.”
“Oo nga pala! Naku, pasensiya na Rashi,” sigaw ko habang ngumunguya. “Kaunti na lang ang natira. Sandali lamang at bababa na ako. Ayusin ko lamang ang mga kalat ng balat dito. Huwag kang mag-alala, bibigyan kita.”
“Anong sabi mo? Hindi kita masyadong marinig,” hiyaw ni Rashi habang inaalog ang kanyang ulo upang maalis ang nakapasok na tubig sa tainga niya. “Pasensiya na lang ako? Balat na lang ang ibibigay mo sa akin? Iyan ba ang sinabi mo? Humanda ka, Antonio!”
Pagkatapos kong iligpit ang mga kalat ng balat ng saging, bumaba na ako bitbit ang ilang saging para kay Rashi. At sa pag-apak ko sa lupa –
“Araaaaaaaaaay!” Nabitiwan ko ang mga bitbit kong saging. “Rashida, ikaw ba ang naglagay ng mga tinik sa paanan ng puno?” Hindi ko makita si Rashi ngunit sa loob ng bao sa may paanan ng puno may narinig akong humahagikhik. Sa unang pagkakataon, nagalit ako sa kaibigan ko. Dinampot ko siya, inalog-alog at nagbitiw ng hindi magagandang salita.
“Walang hiya ka! Susunugin kita!”
“Sige ka, kapag ginawa mo iyon, mas lalo akong gaganda,” nanginig siya.
“Akala ko pa man din kaibigan kita. Dudurugin kita!”
“Sige ka, kapag ginawa mo iyon, dadami ako,” namutla siya.
“E di lulunurin na lang kita!”
“Naku, huwag Tonio,” nagmakaawa siya’t may luha pang pumatak. “Huwag mo akong itatapon sa ilog!” At bago pa man siya makapagsalita, naitapon ko na siya. Huli na nang naisip kong magaling palang lumangoy si Rashi. Galit na galit ako habang kumakaway si Rashi sa ilog at pinagtatawanan ako.
Sa puntong ito, ako ang lumalabas na masama, mapang-api, mandaraya, makasarili at mahina ang isip. Nakakalungkot dahil hanggang dito lamang ang naikuwento tungkol sa amin. Karamihan pa sa mga pinagkukuwentuhan ay mga bata. Pawang negatibo tuloy ang tingin nila sa akin. Kawawa naman ako. Hindi naman talaga ako masama.
Hindi ninyo alam na pagkatapos ng isang araw, nagkabati rin kami ni Rashi. Hindi namin nakayanan ang mag-isa lalo pa’t may dala-dalang galit sa puso. Nag-usap kami at nilinaw ang pangyayari. Humingi siya ng tawad sa ginawa niyang paglagay ng mga tinik dahil lamang hindi niya narinig nang mabuti ang sinabi ko. Ako naman ay humingi ng paumanhin sa hindi pag-amin na masama ang pakiramdam ng tiyan ko. Lalong napagtibay ang pagkakaibigan namin.
Sana
man lang naikuwento ang bahaging ito. Hindi lamang iyong pag-aaway namin at mas lalong iyong ako ang lumalabas na masama. Dahil hindi naman talaga ako masama. Iyan ang totoong kuwentong Tonio at Rashi, ang pagkakaibigan ng Matsing at Pagong.
“O, Tonio, ano ba naman iyan? Nagdadrama ka na naman. Halika na’t tuturuan pa kitang lumangoy nang patihaya, di ba?”