MGA PANGUNAHING TAUHAN:
Malakas
Maganda
IBA PANG TAUHAN:
Malaking ibon
TAGPUAN:
Sa loob ng malaking kawayan noong bago pa nagkaroon ng tao sa mundo
Magsisimula ang dula habang madilim pa sa entablado.
Papalit-palit na paglakas at paghina ng ihip ng hangin.
Lagaslas ng mga dahon.
Huni ng mga insekto.
Ingay ng mga hayop sa malayo.
Huni ng isang malaki at naiibang ibong lumilipad, mula sa kanan ng entablado papuntang kaliwa at pabalik, habang unti-unting masisilayan ang liwanag. Ngunit malamlam pa rin ang liwanag dahil maraming malalaki at matatayog na puno sa paligid.
Palipat-lipat lamang ang malaking ibon sa kanan at kaliwa ng entablado. Minsan magtatagal ito sa gitna kung saan makikita ang isang napakalaking kawayan. Lilipad ang ibon paikot ng kawayan, tutukain ito nang tatlong beses at aalis sa gawing kanan ng entablado.
Sa loob ng kawayan makikita sina Malakas at Maganda, kapwa hubo’t hubad, magkaharap at magkalapat ang mga dibdib, si Malakas sa kanan at si Maganda sa kaliwa.
Aalis ang ibon. Didilim ang kapaligiran. May ilaw na nakatutok sa kawayan at nililiwanagan ang loob nito.
Dahan-dahang magigising sina Malakas at Maganda.
MALAKAS:
(Iinat at hihikab) Haaaaay! (Didilat nang bahagya kahit inaantok pa rin at mapapangiti kay Maganda na ngayon pa lamang umiinat). Magandang umaga sa iyo, Maganda.
MAGANDA:
(Didilat at mabibigla sa kanilang posisyon. Mapapapikit) Aaaaaayyyyy!
MALAKAS:
(Magugulat din sa sigaw) Aaaaaaaaaaa!
MAGANDA:
(Didilat at, pagkakita kay Malakas, mapapapikit uli at sisigaw nang mas malakas) Aaaaaaaaaaaaaaaayyyyy!
MALAKAS:
(Bahagyang lalakas din) Aaaaaaaaaaaaaaaa!
MAGANDA:
(Didilat uli. Pipikit at titili nang napakatinis) Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!!
MALAKAS:
(Bahagyang hihina) Aaaaaaaaaaa. Huwag kang sumigaw. Bakit, anong problema?
MAGANDA:
(Titigil. Ituturo ang dibdib ni Malakas) ‘Yan ang problema.
MALAKAS:
(Titingin kung saan nakaturo si Maganda at pagkatapos titingin kay Maganda) Ha?!
MAGANDA:
Iyan, o. (Ituturo dibdib ni Malakas gamit ang nguso) Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag mong ididikit ang dibdib mo sa dibdib ko? Di ba? Aaaaaaaaaaa! (Pipiliting gumalaw at haharap sa manonood)
MALAKAS:
(Itataas ang mga bisig upang hindi madaplis ng kamay o braso niya si Maganda) Hindi ko sinasadya.
MAGANDA:
(Iiling at iirap)
MALAKAS:
Hindi ko namalayan na ganito na pala ang posisyon natin. Aba, noong matulog tayo, nakatalikod tayo sa isa’t isa.
MAGANDA:
(Patuloy pa rin sa pag-iling) Ah, hindi. Huwag ka nang magpaliwanag.
MALAKAS:
(Mag-iisip) Siguro dun sa paggalaw ng kawayan. Ang lakas ng hangin sa labas e. Para tayong dinuduyan (matatawa) kaya siguro pareho nating ‘di namalayan. Napasarap ang tulog natin (hahagikhik nang mahina)
MAGANDA:
Heh!!! Tumigil ka nga! Ang sabihin mo ginamit mo ang pagkakataon upang maidikit iyang malagkit mong dibdib sa akin. Eeeeeeeeee! Kadiiiiriiii!
MALAKAS:
Hindi.
MAGANDA:
Ah, tumigil ka!
MALAKAS:
Hindi totoo iyan.
MAGANDA:
Kunwari ka pa.
MALAKAS:
Hindi nga. Hindi ko ginawa iyan.
MAGANDA:
Sinungaling ka!
MALAKAS:
Bakit ba ayaw mong maniwala?
MAGANDA:
Kasi puro ka palusot.
MALAKAS:
Palusot?
MAGANDA:
Oo, palusot. Ganyang ganyan din ang idinahilan mo dati noong nagising ako at napansin ang kamay mo sa dibdib ko.
MALAKAS:
(Iisipin ni Malakas kung kalian nangyari iyon) Hmmm…
MAGANDA:
Ang sabi mo pa: “Malakas ang hangin, napayuko ako dito, nakabitiw ako, napakapit ako sa kabilang parte ng kawayan.” Sa tingin mo ba, pinaniwalaan ko iyon?
MALAKAS:
(Tatango nang nag-aalangan)
MAGANDA:
Mayroon bang parte ng kawayang ito na sinlambot ng dibdib ko?
MALAKAS :
(Tatahimik sandali) Hmmm…a…
MAGANDA:
Halatang nagpapalusot ka, e. Hindi ako tanga.
MALAKAS:
Oo na, inaamin ko na iyon.
MAGANDA:
Mabuti naman. Kaya’t huwag kang magrereklamo kung hindi kita pinaniniwalaan. Dahil sinungaling ka.
MALAKAS:
(Ilalagay ang hintuturo sa tainga niya, magmumukhang naiirita sa boses ni Maganda)
MAGANDA:
At saka naalala mo noong idinikit mo ang mukha mo sa dibdib ko?
MALAKAS:
Ha? (Matatawa at alalahanin ang pangyayaring iyon) Matagal na iyon, a.
MAGANDA:
Tatawa pa. Oo nga, matagal na.
MALAKAS:
Akala ko ba naayos na natin iyon?
MAGANDA:
Naayos na nga.
MALAKAS:
E, bakit mo pa inuungkat? Tapos na iyon.
MAGANDA:
Ginagawa ko lamang halimbawa para makumbinsi ka na ikaw ay saksakan ng sinungaling kung hindi mo alam.
MALAKAS:
Haaaaaay!!!
MAGANDA:
Naalala mo ba kung anong palusot ang ginamit mo noon? Ang sabi mo nanaginip ka na na ikaw ay isang ibong malaki tulad ng ibong naririnig natin sa labas. May malaking kawayan na kailangang tukain dahil may dalawang taong nasa loob na kailangang makalabas. At iyon! Nagising ako na ang mukha mo ay nasa dibdib ko na. Aba, kakaiba yata iyang kawayan sa panaginip mo. Sinlambot ng dibdib ko?
MALAKAS:
(Magkakamot ng ulo at iiling habang pinipigil ang tawa)
MAGANDA:
Kaya’t huwag ka nang magkaila. Hindi na uubra ang mga palusot mo. Hindi kapani-paniwala. Ikaw ang may kasalanan kaya magkadikit ang mga dibdib natin kanina.
MALAKAS:
Hoy, hindi. At saka, nakatalikod ka kagabi, ‘di ba? E, bakit pagkagising mo, nakaharap ka na sa akin? (Pagdidilatan si Maganda) O, ano?
MAGANDA:
At ano ang idinidilat-dilat mo? Ako pa ngayon ang may kasalanan?
MALAKAS:
(Magkikibit-balikat. Mang-iinis. Ikukunot ang noo, nakataas ang isang kilay at ngingiti)
MAGANDA:
(Ibubuka ang bibig at iirap) Ang dahilan kaya’t magkaharap na tayo ay dahil puwersahan mo akong inikot.
MALAKAS:
Kanina, ang sabi mo naging oportunista ako sa paggalaw ng kawayan. Ngayon naman, pinagbibintangan mo akong pinuwersa kita. Nawawalan ka ng kredibilidad. Ano ba talaga?
MAGANDA:
Pareho.
MALAKAS:
Ang tindi talaga ng utak mo. Kung anu-anong mga naiisip mong dahilan. Alam na alam mo naming hindi kita pinuwersa. Hindi ko ginawa iyon at hindi ko magagawa iyon. (Hihinto saglit at pagdidiinan) Hindi ko KAYANG gawin iyon.
MAGANDA:
(Tatawa na parang nang-iinis) ‘Eto na naman tayo. Magpapalusot na naman.
MALAKAS:
Totoo. Hindi ko kayang gawin iyon.
MAGANDA:
Hahaha. O, talaga?
MALAKAS:
Oo, hindi ko kayang gawin iyon.
MAGANDA:
At bakit hindi?
MALAKAS:
(Kapwa sila magtititigan na parang nang-iinis sa isa’t isa) Mabigat ka!!!
MAGANDA:
(Matitigilan) Ano kamo?
MALAKAS:
Mabigat ka. Ganoon lang kasimple. (Ngingiti nang patuya)
MAGANDA:
Hindi totoo iyan. (Titignan ang baywang at balakang. Mag-aalala. Magiging malumanay ang pagsasalita.) Hindi. (Hahawakan ang braso at mukha)
MALAKAS:
Anong hindi? Naalala mo noong gusto mong umakyat sa tuktok ng kawayan? Nagpatulong ka sa akin na itaas ka. Pumatong ka pa nga sa balikat ko. Halos mabali ang mga buto ko noon. Sa huli, hindi ka pa rin nakaangat ng kahit lampas sa isang dangkal.
MAGANDA:
Yabang! (Patuloy na hinawakan ang baywang, balakang, braso at mukha)
MALAKAS:
Oo, hindi ko lang sinabi noon at baka sumama ang loob mo. (Pagmamasdan si Maganda nang ilang sandali sa kanyang ginagawa) Ano bang ginagawa mo? Ang sabi ko, mabigat ka. Hindi mataba.
MAGANDA:
(Magmamaktol) Ganon na rin yun.
MALAKAS:
Hindi, ‘no. (Maaawa kay Maganda) O, huwag ka nang malungkot.
MAGANDA:
(Parang maiiyak)
MALAKAS:
Binibiro lang kita.
MAGANDA:
(Medyo maiiyak na)
MALAKAS:
Maganda, naman. Huwag kang umiyak.
MAGANDA:
(Hindi pa rin papansinin si Malakas)
MALAKAS:
Magsalita ka naman. Dadalawa na nga lang tayo dito sa masikip na kawayang ito, tapos magtatampo ka pa. E, di nawalan ako ng kausap.
MAGANDA:
Mas mabuti. Para mapanis iyang laway mo. At saka hindi ako iiyak, ‘no?
MALAKAS:
Sige na. ‘Eto naman. Hindi mabiro.
MAGANDA:
Hindi.
MALAKAS:
(Lalambingin) Patawad na, Maganda. Tignan mo, pumapangit ka tuloy.
MAGANDA:
Wala akong pakialam.
MALAKAS:
(Hahawakan at hahaplusin ang mga balikat at braso ni Maganda) Patawarin mo na ako. Sige na, Maganda.
MAGANDA:
Ano ba? Huwag mo nga akong hawakan. (Mag-iisip) Oo na. Sige na, sige na.
MALAKAS:
Salamat.
MAGANDA:
Salamat ka diyan. May kasalanan ka pa sa ‘kin, baka nakakalimutan mo.
MALAKAS:
Ano yon?
MAGANDA:
Ulyanin ka na talaga. Inikot mo ako nang puwersahan kagabi para magkadikit ang mga dibdib natin.
MALAKAS:
Naku naman. Di ba sinabi ko nang hindi ko ginawa yon? Maniwala ka naman. (Tatahimik nang ilang sandali. Mag-iisip) Pero sandali, may tanong lang ako. Kung inikot man kita – kunwari lang ha – hindi mo ba mararamdaman iyon?
MAGANDA:
(Kukunot ang noo. Magtataka) Hindi.
MALAKAS:
Hahahahaha!
MAGANDA:
O, bakit ka natawa?
MALAKAS:
(Ititikom ang bibig upang hindi lumabas ang tawa. Iiling.) Hindi, hindi, wala lang.
MAGANDA:
Ano iyon? Sabihin mo. Sige na.
MALAKAS:
Wala.
MAGANDA:
Sabihin mo na. Ano ba? Sisipain kita.
MALAKAS:
Kaya mo? Mahihirapan ka lang. Di ka masyadong makakagalaw rito.
MAGANDA:
Sabihin mo na kasi. Bubutasin ko ‘tong kinalalagyan natin.
MALAKAS:
Ops, iyan ang huwag na huwag mong gagawin. Magagalit sa iyo si Bathala. Ang sabi Niya, hintayin natin ang tamang oras ng pagbiyak ng kawayang ito.
MAGANDA:
Wala akong pakialam.
MALAKAS:
Susuwayin mo si Bathala?
MAGANDA:
(Manggagalaiti) Sasabihin mo o hindi? (Sisipa-sipain ang kawayan)
MALAKAS:
O, tama na. (Hahawakan ang hita ni Maganda) Sasabihin ko na.
MAGANDA:
(Tatabigin ang kamay ni Malakas) Kailangan bang hawakan ang hita ko?
MALAKAS:
Ang arte naman. Parang ganoon lang, e. (aaksiyon na parang hahawakan ang hita)
MAGANDA:
O, tama na muna iyan. Sige na. Sabihin mo na.
MALAKAS:
O, ‘eto. Makinig kang mabuti, ha? (Ngingiti nang bahagya. Titignan si Maganda) Kasi…sa totoo lang, hindi kita inikot gaya ng iniisip mo.
MAGANDA:
Sinunga…
MALAKAS:
Patapusin mo muna ako, pwede ba? (Titigil sandali) Pero kung inikot man kita, dapat naramdaman mo iyon. (Magkikibit-balikat)
MAGANDA:
Ano’ng ibig mong…
MALAKAS:
Ang punto ko, dahil hindi naman kita inikot, inikot mo ang sarili mo upang magkaharap tayo. Ibig sabihin, ikaw itong may gusto.
MAGANDA:
Hindi totoo…
MALAKAS:
Pasimple kang sumasabay sa pag-ugoy at pagduyan (aaksyon) ng kawayan. (Ngingiti)
MAGANDA:
(Manlilisik ang mga mata) Hindi…
MALAKAS:
At inikot mo ang sarili mo para maidikit ang dibdib mo sa katawan ko.
(Magtititigan ang dalawa nang ilang sandali)
MAGANDA:
Ang kapal ng mukha mo. (Tutuhurin ang pagitan ng dalawang singit ni Malakas. Mamimilipit sa sakit si Malakas) Palibhasa kasi iyon ang ginawa mo. Ikaw ang pasimpleng sumabay sa pagduyan ng kawayan. Ibinabaliktad mo ang kuwento. Diyan ka kasi magaling.
MALAKAS:
(Hirap magsalita) Hindi ko ginawa iyong ibinibintang mo. ARAAAAAAAAAAAAAAAAAYYYYY!
MAGANDA:
Buti nga.
MALAKAS:
ARAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAY!!!!!
ARAAAAAAAAAAAAAAAAAAAY!!!!!
ARAAAAAAAAAAAAAAY!!!!!
MAGANDA:
(Mag-aalala ngunit hindi ipapahalata) Ayos ka lang?
MALAKAS:
Siyempre hindi!!! Araaaaaaaaaay! (Hihikbi. Maya-maya’y iiyak)
MAGANDA:
Hoy, huwag kang umiyak.
MALAKAS:
(Namimilipit pa rin sa sakit)
MAGANDA:
Lalaki ka. Malakas pa man din ang pangalan mo. Nakakahiya.
MALAKAS:
E, masakit e.
MAGANDA:
Hindi ko sinasadya.
MALAKAS:
(Hindi iimik)
MAGANDA:
Pasensya na.
MALAKAS:
(Hindi pa rin iimik)
MAGANDA:
Magsalita ka naman.
MALAKAS:
(Hindi pa rin magsasalita)
MAGANDA:
Patawarin mo na ako. (Papahirin ni Maganda ang luha ni Malakas gamit ang kanyang kamay) Masakit pa?
MALAKAS:
Di na gaano. (Pasimpleng ngingiti at ididiin ang mukha sa kamay ni Maganda)
MAGANDA:
Patawad.
MALAKAS:
(Ilang sandaling katahimikan) Ikaw kasi, e.
MAGANDA:
Anong ako?
MALAKAS:
E, ayaw mo kasing maniwala na wala akong kasalanan, na hindi kita inikot nang puwersahan. Hindi mo ba naisip na maaaring wala sa atin ang may kasalanan?
MAGANDA:
Pasensya na.
MALAKAS:
Ayusin natin ‘to, Maganda, nang hindi na lang tayo laging nagtatalo at nagsisigawan dahil lang nagdikit ang mga dibdib natin.
MAGANDA:
O, sige.
MALAKAS:
Pareho tayong nahimbing at nadala sa pagduyan ng kawayan. Wala sa ating dalawa ang dapat sisihin. Hindi ako at hindi ikaw. Pagkakataon. Pagkakataon.
MAGANDA:
(Mag-iisip) Tama. Hindi ikaw at hindi rin ako. At kung mayroon mang dapat sisihin, tayong dalawa rin iyon dahil tayong dalawa lamang ang nandito.
Ilang sandaling katahimikan
MALAKAS:
Kaya’t sana ‘wag mong ipagdidiinan na ako ang may kasalanan dahil hindi ko naman talaga ginawa at hindi ko iyon magagawa.
MAGANDA:
(Tatango)
MALAKAS:
Hindi dito sa loob ng kawayan.
MAGANDA:
(Didilat) E di, may balak ka nga talaga. (Sasampalin nang ilang beses)
MALAKAS:
Aray! (Sasanggain ang mga huling sampal) Siyempre naman. E, yun naman ang sabi ni Bathala sa atin, di ba? Naalala mo? “Magparami kayo,” sabi Niya. At kailangan nating sumunod.
MAGANDA:
A, ewan!
MALAKAS:
Saka, mag-isip ka nga…
MAGANDA:
Oo, nag-iisip ako.
MALAKAS:
Wala akong balak madagdagan tayo ng isa pa rito. Masikip na nga, dadagdagan pa ng isa. Buti kung isa lang ang maidagdag. E, pa’no kung dalawa? May karga akong maliit na Malakas at ikaw ay may kargang maliit na Maganda. At pa’no kung tatlo? Nakupo, di ko mawari, Bathalang mahabagin.
MAGANDA:
Ewan! Basta, ‘pag nakalabas na tayo rito, lalayo ako sa iyo. Huwag na huwag mo akong lalapitan. Maghiwalay na tayo. Doon ka dumiretso sa silangan at ako sa kanluran… (Tatama ang kamay niya sa kawayan) Araaaay!
MALAKAS:
O, ayan kasi.
MAGANDA:
…nang hindi magkrus ang landas natin. Kung bakit pa kasi nandito ako sa loob ng napakasikip na kawayan kasama mo.
MALAKAS:
Malamang may dahilan iyon.
MAGANDA:
Oo, nga. Para mainis mo ako lagi.
MALAKAS:
Maliban doon.
MAGANDA:
Ewan, magmamarunong ka na naman.
MALAKAS:
Hindi mo ba naisip na kaya magkasama tayo rito ay dahil ngayon pa lamang pinag-iisa na tayo ni Bathala? Hindi natin alam kung sa labas ng kawayang ito, may mga tulad natin. Itinadhana tayong dalawa. At siguro, kahit nakalabas na tayo rito, inaasahan pa rin ni Bathala na magkasama pa rin tayo.
MAGANDA:
Napakatalino mo naman. Sana naisip mo ring iumpog ang ulo mo sa kawayan hanggang sa mabasag ito.
MALAKAS:
Ang kawayan?
MAGANDA:
Ang ulo mo, bobo. Haay, naku. Basta, maghiwalay tayo pagkalabas natin dito sa kawayan.
MALAKAS:
O sige, nasa sa iyo na iyon. Basta sa ngayon, nandito pa tayo sa loob ng kawayan. Magkatabi tayo at magkadikit sa ayaw at sa gusto mo.
MAGANDA:
Huwag ka lang dumikit nang labis at baka iba ang dumikit sa mukha mo. (Itatapat ang kamao sa mukha ni Malakas)
May malakas na hangin na magpapayuko sa kawayan pakanan. Mapapadikit si Maganda sa dibdib ni Malakas.
MAGANDA:
Aaaaaay!
MALAKAS:
(Matatawa) Ano ang gagawin natin para masunod ang gusto mong hindi tayo magdikit nang ganito?
MAGANDA:
Maghintay ka lang at nag-iisip ako. Palibhasa, ako ang laging nag-iisip (Pipiliting lumayo sa dibdib ni Malakas)
Biglang payuyukuin ng malakas na hangin ang kawayan pakaliwa.
MALAKAS:
May naisip ka na?
MAGANDA:
Meron.
MALAKAS:
Ano?
Babalik sa tamang posisyon ang kawayan.
MAGANDA:
Aayusin natin ang posisyon upang masunod ang gusto ko.
MALAKAS:
Gusto mo? Baka natin.
MAGANDA:
O, sige…NATIN!
MALAKAS:
Ayan! Aba, may posisyon tayong gagawin? Mukhang masaya ito.
MAGANDA:
Tumahimik ka. Huwag kang magulo.
(Mag-iisip)
MALAKAS:
Ang tagal mo namang makaisip ng solusyon.
MAGANDA:
(Hindi papansinin ang sinabi ni Malakas)
MALAKAS:
(Sisipol. Kakatukin ang kawayan na may ritmo)
Tagal.
MAGANDA:
May naisip na ako, e. Pero alam kong hindi mo kayang gawin. Kaya nag-iisip ako ng iba.
MALAKAS:
Ano iyon? Kaya ko iyan. Sabihin mo.
MAGANDA:
Ah, talaga? O, sige. Dito ako sa ibaba. At ikaw, doon sa taas. Doon ka lang. Tutal lalaki ka naman at sabi mo malakas ka, kaya mong kumapit nang matagal, hindi ba? (Hihintaying umakyat si Malakas) O, akyat na.
MALAKAS:
Ayoko nga. Nababaliw ka na ba? Nakakangawit iyan.
MAGANDA:
Hindi pala kaya.
MALAKAS:
Kaya ko iyan pero ayoko. Gusto mo lang ako pahirapan.
MAGANDA:
Palusot. O, kaya nga ako nag-iisip ng iba, e. Kaya tumahimik ka na lang diyan.
MALAKAS:
O sige na.
MAGANDA:
(Mag-iisip) Alam ko na. Tumalikod ka. (Susunod si Malakas) Ganyan ang magiging posisyon mo.
MALAKAS:
Hmmm…a…
MAGANDA:
Bawal kang humarap. Ganyan lang posisyon mo.
MALAKAS:
Ano…na…
MAGANDA:
Kumapit ka riyan (ituturo ang isa sa mga bahagi ng loob ng kawayan na naghihiwalay sa mga kompartamento nito) para di ka mag-iba ng posisyon. Ayos ba?
MALAKAS:
Pa…
MAGANDA:
Dito naman ako. Kakapit din ako rito. Di bale nang magkadikit ang mga puwit natin basta hindi lang tayo magkaharap.
MALAKAS:
Nak…
MAGANDA:
Maayos na, ha. Matutulog na ako at inaantok ako. Matulog ka na rin.
MALAKAS:
Aba, tignan mo nga naman ito. Hindi man lang ako binigyan ng pagkakataong magsalita. Pero sige, pagbibigyan kita. Susundin ko ang gusto mo. (Susubukan ang posisyong iniutos) Naku, nakakangawit naman pala ito.
Kapwa tulog sina Malakas at Maganda. Magkadikit ang mga puwit at gawing ibaba ng likuran.
Lalamlam ang ilaw sa kawayan.
Maririnig ang mga ingay sa kapaligiran. Papalakas nang papalakas ang ihip ng hangin. Bahagyang duduyan ang kawayan pakanan at pakaliwa.
Sa paggalaw ng kawayan, mapapaupo si Maganda dahil hindi siya masyadong nakakapit. Kaharap niya ngayon ang likuran at puwitan ni Malakas.
Uugoy pa rin ang kawayan at kung minsa’y tatama ang mukha ni Maganda sa puwit ni Malakas.
Mapapalakas ang pagduyan pakaliwa at mapapabitiw sa pagkakapit si Malakas. Hahawak siya sa kaliwang bahagi, kung saan nakahawak kanina si Maganda. Ngayon, nasa pagitan ng singit ni Malakas ang mukha ni Maganda na kung minsa’y magdidikit dahil sa paggalaw ng kawayan.
Bahagyang magigising si Maganda.
MAGANDA:
(Nakapikit at inaantok) Umayos ka nga.
Tatayo siya at matatapat ang mukha niya sa mukha ni Malakas. Dahil sa paggalaw ng kawayan, minsan magkakadikit ang kanilang mukha sa isa’t isa.
Biglang yuyuko ang kawayan pakanan. Maitutulak si Maganda sa kanan at kakapit doon sa kung saan unang nakakapit si Malakas. Si Malakas naman ay mapapaupo nang bahagya at matatapat ang mukha niya sa dibdib ni Maganda.
MALAKAS:
(Nakapikit at inaantok): Ano ba?
Maingat niyang itutulak si Maganda habang sinusubukan tumayo upang makakapit. Biglang may malakas na hangin na magpapayuko sa kawayan pakaliwa. Si Maganda ay alanganing nakahiga habang si Malakas ay nasa ibabaw niya.
Nang bahagyang bumalik sa nakatayong posisyon ang kawayan, pipilitin ni Malakas na kumapit sa dapat niyang kapitan. Tatayo na rin si Maganda at aayusin ang kanyang posisyon.
Yuyuko muli ang kawayan pakaliwa. Mapapatuwad si Maganda. Maiikot ang posisyon ni Malakas at mahuhulog din siya sa kaliwa ng kawayan. Ngayon, ang puwit ni Maganda ay nasa pagitan ng singit ni Malakas, at madalas itong nagdidikit dahil sa paggalaw ng kawayan.
Maaalimpungatan si Maganda.
MAGANDA:
(Inaantok) Ano ba?
Dahan-dahang aayusin nina Malakas at Maganda ang kanilang posisyon nang biglang yuyukong pakanan ang kawayan. Mapapahawak si Maganda sa dapat kakapitan ni Malakas. Mapapaupo si Malakas at matatapat ang mukha niya sa pagitan ng singit ni Maganda.
MALAKAS:
(Inaantok) Umayos ka nga.
Babalik sa nakatayong posisyon ang kawayan. Kapawa magkukunwaring tulog. Aayusin nila ang kanilang posisyon na kunwari’y inaantok. Panakaw na titignan ng isa kung gising ang isa. Hihintayin ng isa na maunang magising ang isa.
Biglang maririnig ang pagtuka sa ibabaw ng kawayan. Dahan-dahan sa simula at maya-maya’y bibilis.
MALAKAS AT MAGANDA:
Ano ‘yon?! (Biglang titingin sa isa’t isa at ilalayo ang tingin. Pareho silang nahihiya.)
MALAKAS:
Ito na siguro ‘yon?
MAGANDA:
Ang alin?
MALAKAS:
Ang tamang oras ng pagbiyak ng kawayan.
MAGANDA:
Oo nga. Tuluy-tuloy ang pagtuka ng ibon sa kawayan.
MALAKAS:
Makakalabas na rin tayo rito.
MAGANDA:
Ano kayang nasa labas? Ano kayang itsura ng mundo?
MALAKAS:
Ako pa’ng tinanong mo! Hindi ko rin alam. Basta sigurado akong mas magugustuhan natin kaysa rito.
MAGANDA:
Ang tagal naman mabiyak.
MALAKAS:
Huwag kang magmadali. Mabibiyak rin ‘yan.
Patuloy ang pagtuka ng ibon sa kawayan. Mas mabilis kaysa sa kanina. Manginginig na ang kawayan. Titingala sila kung saan tumutuka ang ibon.
MAGANDA:
Sige pa. Biyakin mo na.
MALAKAS:
Malapit na. Ayan na. Nararamdaman mo ba?
MAGANDA:
Oo nga. Ang bilis. Sige pa, sige pa. Bilisan mo pa.
MALAKAS:
Ayan na.
MAGANDA:
Ayan na.
MALAKAS:
Nakikita mo na ba?
MAGANDA:
Nakikita ko na!
MALAKAS:
Malapit na!!!
MAGANDA:
Ayan na!!!
MALAKAS:
Ayan na!!!
MAGANDA:
Malapit na!!!
MALAKAS:
O, sige pa!!!
MAGANDA:
Bilisan mo pa!!!
MALAKAS:
Ayaaaan!!!
MAGANDA:
Lakasan mo pa!!!
MALAKAS:
Ayaaaaaaan!!!
MAGANDA:
Itodo mo!!! Ayan!
MALAKAS:
Malapit na!
MAGANDA:
Ayan!
MALAKAS:
Ayan! Ayan na!!!
MAGANDA:
Malapit na! Ayan na!!!
MALAKAS:
Ayan na!!!
MAGANDA:
Ayan na!!!
MALAKAS:
Ayan na!!!
MAGANDA:
Ayan na!!!
MALAKAS AT MAGANDA:
MAKAKALABAS NA TAYO!!!
Magdidilim at maririnig ang pagbiyak ng kawayan.
Aalingawngaw ang sigaw nina Malakas at Maganda, pati ang huni ng ibong papaalis.
Unti-unting masisilayan sina Malakas at Maganda, kapwa nakahiga sa lupa, magkayakap. Dahan-dahan silang magkakamalay.
MALAKAS:
Tapos na!
MAGANDA:
Malaya na tayo.
MALAKAS:
Ang tagal nating naghintay.
MAGANDA:
Pero nagawa natin.
Ilang sandaling katahimikan. Titingin sila sa paligid. Sisimulan nilang maglakad, mabagal at minsa’y parang matutumba.
MALAKAS:
Pa’no na ngayon, Maganda? Sabi mo, pagkalabas natin sa kawayan, maghihiwalay na tayo. (Maglalakad papuntang silangan) Paalam.
MAGANDA:
Dadalawa lang tayo rito, sabi mo, hindi ba? At kailagan nating sumunod sa utos ni Bathala. Isa pa, takot ako sa mga kakaibang naririnig ko. (Kokak ng palaka) Aayy! (Mapapatakbo kay Malakas) Ano yon? Ayokong mag-isa.
MALAKAS:
(Yayakapin si Maganda) Hindi ko rin kayang mag-isa. Hindi kita iiwan.
MAGANDA:
Salamat. Hmmm, patawarin mo nga pala ako, Malakas, kung ipinagdiinan ko na ikaw ang may pakana ng…
MALAKAS:
Ng…?
MAGANDA:
Ng…alam mo na…
MALAKAS:
Ng…?
MAGANDA:
Ng ano…huwag ka nang mang-inis.
MALAKAS:
Ng pagkakadikit ng dibdib natin?
MAGANDA:
Oo.
MALAKAS:
Ba’t di mo masabi?
MAGANDA:
Basta…
MALAKAS:
Bakit nga?
MAGANDA:
Basta…mang-iinis ka na naman, e.
MALAKAS:
Kalimutan mo na iyon. Gaya ng sinabi ko kanina, pareho tayong nahimbing at nadala sa pagduyan ng kawayan. Wala sa ating dalawa ang dapat sisihin.
MAGANDA:
Hindi ikaw at hindi rin ako.
MALAKAS:
Pagkakataon.
MAGANDA:
Oo nga. Gaya rin ng sinabi ko kanina, kung mayroon mang dapat sisihin, tayong dalawa rin iyon. (Matatahimik nang ilang sandali at saka tatawa ang dalawa)
Magsisimulang dumilim. Maririnig ang mahihinang boses nina Malakas at Maganda.
MALAKAS:
Umamin ka. Gising ka noon, ano?
MAGANDA:
Hahaha. Nangawit ka, ano?
MALAKAS:
Hahaha. Ayos lang. Pero minsan hindi ako makahinga.
MAGANDA:
Ako rin.
Magtatawanan ang dalawa.
Maririnig ang napakalakas na huni ng malaking ibon.
Tuluyang magdidilim ang entablado.